Wednesday, October 13, 2010

Speech on World Teachers' Day

Ipagdiwang natin ang Pandaigdigang Araw ng mga Guro!
Dinggin ang mga panawagan ng mga titser ng bayan!

Rep. Antonio L. Tinio
ACT Teachers Party-List
Oktubre 5, 2010

Ngayong araw na ito, ipinagdiriwang ng sanlibutan ang takdang araw para sa mga guro na siyang mas kinikilala natin bilang pangalawang magulang ng kabataan. Ang araw na ito ay inilalaan at ipinagdiriwang nating mga Filipino upang bigyang pugay ang ating mga titser na siyang nagturo at gumabay sa atin kung paano malinang ang ating kakayanan sa pagbasa, pagbilang, hanggang sa maging dalubhasa, marunong, pati sa iba't-ibang aspeto ng buhay. Sila rin ang siyang gumagabay sa ating kabataan, ang susunod na henerasyon, upang sila ay maging matuwid, mapagkalinga, makatao, makabayan at produktibong mamamayan na magiging haligi at tagapagmana ng ating bansa.



Pormal na itinaguyod ng UNESCO ang ika-5 ng Oktubre bilang World Teachers' Day upang itanghal ang mga natatangi at di maikakailang ambag ng mga guro sa lipunan at upang obligahin ang lahat ng pamahalaan na pangalagaan ang karapatan at dangal ng mga titser.



Ayon sa UNESCO, kailangan pa ng halos 11 milyong bagong guro sa buong mundo para matupad ang target na magkaroon ng universal primary education sa 2015. Idagdag pa natin ang kakulangan ng titser sa high school, higher, technical at vocational education.

Sa ating bansa, nananatiling kalunus-lunos ang kalagayan ng mga guro. Mahigit isang libong titser ang nangingibang-bansa kada taon upang magtrabaho at kumita ng mas malaki kaysa manatiling titser dito sa ating bansa. May kakulangang halos 104,600 guro para sa elementarya at high school, ayon sa Department of Education (DepEd). Bukod sa pang-araw-araw na sakripisyong dinadanas ng mga titser, titser din ang nasa frontline tuwing may halalan at marami na rin ang nag-alay ng kanilang buhay upang bantayan ang balota.

Kaninang alas-diyes ng umaga, pinatunog ang mga school bell sa lahat ng paaralan bilang hudyat ng pambansang selebrasyon ng World Teachers’ Day at dumalo sa mga koordinadong pagdiriwang ang ating mga guro sa pamumuno ng ating DepEd.

Dito rin sa Kamara, inanyayahan ng ACT Teachers Part-List ang isang malaking delegasyon ng mga guro sa isang aktibidad na nagbibigay pugay sa mga guro. Ito ang ating espesyal na pagkilala at pasasalamat sa ating mga titser, at pamamaraan na rin upang isulong ang kanilang karapatan at kagalingan sa harap ng maraming suliranin at hamon.

Ipinanukala at isinusulong ng ACT Teachers Party-List na maisabatas ang House Bill 2142 o “The Public School Teachers' Salary Upgrading Act” na magtataas sa minimum salary grade level ng mga guro sa lahat ng pampublikong paaralan at high school sa buong Pilipinas. Nais nating itaas ang buwanang sahod ng mga guro upang sa harap ng maraming pagsubok ay lalo nilang pagbutihin ang paglilingkod sa bansa sa paghuhulma, paglilinang at paggagabay sa ating kabataan na siyang pag-asa ng ating bayan. Kasama natin sa mithiing ito ang mahigit 50 pang kagalang-galang na kapwa mambabatas na mga co-author ng naturang panukala. Hangad nating maisabatas ang HB 2142 sa tulong at suporta ng mayoridad ng Kamara, ng Senado at sa huli, ang lagda ng Pangulong Aquino.

Kabilang rin sa mga tampok na kampanya ng ACT Teachers Party-List ang mga isyu at suliranin ng mga guro hinggil sa mga kapalpakan ng Government Service Insurance System. Lubhang pahirap sa mga titser at kawani sa buong bansa ang mga di-makatarungan at palyadong patakaran ng GSIS sa ilalim ni Ginoong Winston Garcia. Nawa'y agad na tulungan ng Kamara ang libu-libong guro at kawani upang maresolbahan agad ang mga problemang hatid ng GSIS, iligal na kaltas at kapalpakan sa members database information system.

Nais din nating pigilan ang panukalang pagkaltas sa badyet para sa sektor ng edukasyon, sa halip ay kailangan pa nga itong dagdagan upang mahabol ang internationally-acceptable levels na itinatakda ng UNESCO. Kailangang laanan ng mas mataas na state subsidy ang edukasyon, i-restore ang budget para sa capital outlay at maintenance and other operating expenses sa katanggap-tanggap na levels. Bakit nga ba hanggang ngayon ay naglalaan ang gobyerno ng napakalaking badyet para bayaran ang interes ng mga kwestyonableng utang-panlabas, para gastusin sa mga digmaan, pambili ng mga kanyon, baril at bala, ngunit binabawasan ang pambili ng mga gamot at textbooks, kinakaltasan ang perang para sa pagpapaayos o pagpapagawa sa mga pasilidad sa paaralan, o para magkaroon ng abot-kayang pabahay para sa maralita? Bakit, matapos ang baluktot na pamamahala ng nakalipas na administrasyon, ay tinitipid pa rin ang mga sektor pangkalusugan, ng edukasyon at iba pang kapaki-pakinabang na serbisyong panlipunan?

Hayaan ninyong banggitin muli ng inyong lingkod ang mga panawagan at adyenda ng mga titser para sa Kamara.

Itaguyod natin ang edukasyong pangmasa! Bigyan ng pinakamataas na prioridad sa pambansang badyet ang edukasyon ayon sa nakasaad sa Saligang Batas. Kailangang maglaan dito ng 6% ng GDP upang agad na mapuno ang mga kakulangan sa mga pasilidad, gamit, guro at mga kawani. Maaari itong magawa kung magdedeklara lamang ng debt cap o moratorium sa pagababayad ng panlabas na utang ang pamahalaan.

Tiyakin nating sa hinaharap ay makatatapos ng elementarya at hayskul ang lahat ng kabataan. Gawin sana nating abot-kaya ang edukasyon sa antas kolehiyo. Itigil na ang pribatisasyon at komersyalisasyon ng mga State Universities and Colleges. Dapat paglaanan ang mga ito ng sapat na pondo. Kailangang punuan ang mga kakulangan sa guro, klasrum, libro, at iba pang rekursong pampaaralan.

Isulong natin ang edukasyong pambansa at siyentipiko! Ang sistema ng edukasyon ay dapat i-ayon sa mga pangangailangan ng pambansang industriyalisasyon at modernisasyon ng agrikultura. Ipalaganap natin ang kurikulum na nagtataguyod sa demokratikong pananaw at magwawaksi sa anumang porma ng diskriminasyon.

Itaguyod natin ang karapatan at kagalingan ng mga guro at kawani sa edukasyon. Itaas natin sa Salary Grade 15 ang mga pampublikong guro at sunod na sikaping itumbas dito ang suweldo ng mga pampribadong guro. Dapat ding pondohan nang sapat at ipatupad ang Magna Carta for Public School Teachers. Papanagutin si Winston Garcia, isaayos ang GSIS, at kagyat na i-refund ang mga di-makatwirang kaltas sa mga miyembro. Itaguyod ang pagrespeto sa job security ng kaguruan. Kailangan din ipatupad ang mahigpit na regulasyon sa kontraktwal-isasyon sa sektor ng edukasyon. Tiyakin natin ang kaligtasan ng mga guro at kawani at pangalagaan ang kanilang mga karapatang pantao.

Maraming paraan, hindi lang sa simpleng pagdiriwang ng World Teachers Day ngayong araw na ito, para pasalamatan at bigyang-pugay natin ang ating dakilang mga guro at kawani sa sektor ng edukasyon. Bilang mga kinatawan sa Kamara, dinggin at tugunan natin ang mga panawagan ng mga titser na makabagong bayani rin ng ating bayan!

Maraming salamat po.

No comments:

Post a Comment

Pageviews