Nitong nakaraang mga buwan, sa panahon ng kampanya para sa pambansang eleksyon ng Mayo, nagkaroon ako ng pagkakataong umikot sa iba’t ibang probinsya ng ating kapuluan upang makapanayam ang mga public school teachers at mapag-usapan ang kanilang kalagayan at mga hinaing. Saan man ako magpunta, iisa ang kanilang pambungad. Dapat daw tugunan ang kanilang mga problema sa GSIS (Government Service Insurance System).
Ano-ano ang mga problemang ito? Mahaba ang listahan. Kabilang dito ang: walang-paliwanag na mga kaltas sa kanilang maturity claim o retirement lumpsum; walang-paliwanag na kaltas sa kanilang salary loan; di pagbibigay ng dibidendo ng GSIS; pagkait sa survivorship benefits; di pagkaltas ng mga loan payments; sobrang pagkaltas ng mga loan payments kahit bayad na ang utang; di pagbibibigay ng funeral benefits, education plan, at iba pa. Ang esensya, hindi raw nila natatanggap ang inaasahan nilang benepisyo o ang pinapangako ng batas na dapat nilang matanggap.
Nakatitiyak ako na, bilang mga kapwa kinatawan at tagapaglingkod ng taumbayan, mayroon na ring mga guro o kawani ng gubyerno na lumapit sa inyo upang idulog ang kanilang mga problema sa GSIS. Mahigit sa pitong taon nang dinaranas ng mga guro at kawani ang itinuturing nilang kalbaryo ng GSIS. Sa panahong ito, nasaksihan natin ang malawakan at sama-samang pagkilos ng mga kawani upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan, mula noong unang sigwa ng mga protesta noong 2003, welga ng mga kawani ng GSIS noong 2004, at samu’t saring mga martsa, piket, at rali mula noon hanggang sa kasalukuyan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa kabilang banda, ibang-iba ang kuwento kung pakikinggan natin ang pamunuan ng GSIS. Kamakailan lamang, ganito ang naging pahayag ni Winston Garcia, President and General Manager ng GSIS mula January 2001 hanggang June 30, 2010:
“…during my stint as President and General Manager, I instituted the reforms needed for prompt and efficient delivery of services to all our members and pensioners. …
“Because of these reforms, the GSIS’s actuarial life—or the period by which it can provide for the needs of its members and pensioners—has been substantially extended. In 2001, the Fund’s life was projected to last only until 2028. By December 2009, the Fund’s actuarial life was estimated to last until 2064.”
Ayon kay Garcia, nalulugi na ang GSIS nang datnan niya ito noong 2001. Dahil umano ito sa kawalan ng maayos na sistema ng pagtala sa pagpasok at paglabas ng pondo ng GSIS at ang low collection efficiency—maluwag daw ang pagbigay ng GSIS ng mga benepisyo sa miyembro ngunit mahina ito sa pagkubra sa mga utang.
Tama ang naging pagtukoy ni Garcia sa mga problema ng GSIS. Ano ang kanyang naging tugon?
Tinagurian niyang “GSIS Reform Agenda” ang solusyon na kanyang inilapat noong 2003. Ang “Premium-Based Policy” ang pinakabuod ng reporma, patakarang nagsasaad na ibabatay sa premiums na binayad ng miyembro ang halaga ng benepisyong kanyang matatanggap mula sa GSIS.
Susi sa pagpapatupad nito ang computerization ng GSIS. Sinasaklaw ng computerization ang sumusunod:
- computerization of membership database;
- computerized billing, collection, receipting, and posting of payments directly linked to the membership database;
- massive cleansing and updating of membership records and reconciliation of records between GSIS and employers (i.e., government agencies).
Bilang tugon sa problema ng low collection efficiency, ipinatupad din ni Garcia ang patakaran ng automatic deduction of arrears (Claims and Loans Interdependency Program o CLIP).
Tagumpay ba ang Reform Agenda? Kung ang tanging sukatan ng tagumpay ay ang “bottom line,” o kita ng isang korporasyon, hindi maikakaila na ang solusyon na kaniyang inilapat ay nagdulot ng kagyat at dramatikong pagpihit sa katayuang pinansyal ng GSIS. Mula sa bingit ng pagkalugi, natransporma diumano ang GSIS upang maging top-earning government corporation sa kasalukuyan, na may net revenue noong 2009 na Php 49 bilyon.
Ito ang pinanghawakan ni dating Pangulong Arroyo nang isantabi niya ang malawakang panawagan ng mga miyembro para sibakin si Garcia na rumurok noong 2004. Dahil sa basbas ng Malacanang, hindi na natinag sa puwesto si Garcia hanggang sa kadulu-duluhan ng administraysong Arroyo.
Ngunit, sa halip ng mga papuri at pasasalamat bilang tagapagligtas ng GSIS, bakit pawang mga batikos at pagkamuhi ang inaani ni Winston Garcia sa mga guro at kawani?
Kung gagamitin nating sukatan ang ideyal ng GSIS bilang tanging social security fund na pangunahing sasandigan ng 1.6 million kasapi nito sa panahon ng kagipitan, patunay ang mapait na karanasan ng daan-daang libong guro at kawani na bigo ang Reform Agenda ng GSIS.
Isantabi na muna natin ang mga alegasyon ng korapsyon, despotismo, at kawalan ng transparency sa kanyang pamumuno ng GSIS. Ipagpaliban muna natin sa ibang pagkakataon ang pagsusuri sa mga ito.
Nais nating ipakita na ang mga patakaran at programa mismo ng GSIS na ipinatupad ni Garcia, ang kanyang pinagmamalaking Reform Agenda, ang sanhi ng pagdurusa ng mayorya ng 1.6 milyong kasapi ng GSIS.
1. Bigong computerization at malubhang problema sa posting.
Hindi matagumpay ang GSIS sa pagpapatupad nito ng computerization. Nagsimula ito noong 2003 at nagpapatuloy pa rin hanggang sa kasalukuyan. Puno ng mga problema ang implementasyon nito. Kabilang sa mga ito ang hindi pa rin nakukumpletong updating ng service records ng kalahating milyong mga guro; ang palpak na migration mula sa luma patungo sa bagong computer system noong September 2007; at ang katastropikong pagbagsak (crash) ng buong sistema noong Marso 2009. Ngunit ang pinakatampok na indikasyon ng kabiguan ng computerization ay ang problema ng posting—hanggang ngayon, hindi pa rin maagap na naitatala ng GSIS ang bawat kabayaran ng mga miyembro sa kani-kanilang individual accounts. Gaano kalala ang problemang ito?
Noong July 22, nakasama ako sa isang dialog ng mga lider ng Alliance of Concerned Teachers sa bagong hirang na Chairman ng Board of Trustees ng GSIS na si Daniel Lacson Jr. Sa pagkakataong ito, ibinunyag ng OIC ng GSIS na si Consuelo Manansala na umaabot sa 6 na bilyon ang individual payments na hindi pa napo-post ng GSIS. As of July 2010, GSIS has been unable to post 6 billion payments made by members to their individual accounts.
Ibig sabihin nito, may anim na bilyong remittances ang mga miyembro na kabayaran sa premiums, sa salary loans, sa housing loan, atbp., mula 1997 hanggang sa kasalukuyan, na tinanggap na ng GSIS ngunit hindi pa nila naipapasok sa computers ng GSIS upang maitala sa individual account ng bawat miyembro. Ibig sabihin, kahit pa nakabayad na ang miyembro, as far as the GSIS computerized records are concerned, hindi pa sila bayad at may utang pa sila sa GSIS.
Gaano kalaki ang halaga ng unposted remittances na ito? Mahirap masabi, pero maaaring umabot ito ng hanggang Php 50.461 bilyon, na siyang halaga ng discrepancies sa accounting ledger balances ng GSIS noong 2008.
Bakit hindi pa napo-post ang mga remittances ng members? Lumilitaw na pangunahing teknikal ang kadahilanan. Ayon kay Manansala, “due to incomplete information,” i.e., may hinahanap na impormasyon ang kanilang computer system na hindi nakalakip sa remittance kung kaya kailangang ibalik sa ahensya.
Kung anuman ang dahilan, malinaw na wala sa kontrol ng miyembro ang mga sirkumstansyang ito at pawang responsibilidad ng GSIS ang maagap na pagtala o pagpost sa ibinayad ng miyembro. As far as the member is concerned, and as far as the GSIS law is concerned, nakabayad na siya sa sandaling kaltasin sa kanyang suweldo ang karampatang halaga. Sa katunayan, katulad ng iba pang mga institusyong pampinansya, ang pangangalaga ng kumpleto at wastong talaan ng bawat sentimong transaksyon ng bawat miyembro o kliyente ang isa sa mga pundamental na tungkulin ng GSIS. Malinaw na hindi niya ito nagagampanan sa kasalukuyan.
Ano ang epekto sa miyembro ng kapalpakan sa posting ng GSIS?
2. Walang pakundangan, walang batayan, di makatarungan, at ilegal na overdeductions ng GSIS sa kanyang mga miyembro.
Susi sa Reform Agenda ang patakaran ng CLIP, o automatic deduction of arrears mula sa mga benepisyo ng mga miyembro. Mula sa punto de bista ng GSIS, ito ang instrumentong magbibigay-lunas sa problema ng low collection efficiency na matagal na nitong binubuno. Ngunit sa punto de bista ng mga miyembro, ang CLIP ay maka-isang panig, arbitrary, at lumalabag sa kanilang right to due process. Sa katunayan, nilalabag nito ang Section 41(w) ng R.A. 8291.
Ang kombinasyon ng incomplete o partial posting of payments ng GSIS at ang patakaran ng CLIP o automatic deduction of arrears ay nagresulta sa pag-iral ng isang rehimen ng walang pakundangang overdeductions sa mga benepisyo ng miyembro mula Agosto 2003 hanggang sa kasalukuyan.
Ayon sa report ng Commission on Audit para sa taong 2008[i], umaabot sa Php 2.7 billion ang awtomatikong kinaltas o binawas ng GSIS nang walang matibay na batayan:
“…in view of the deficiencies of the system which resulted in the unposting of premiums and loan repayments and its eventual crash in March 2009… the correctness and validity of members’ loans and premium arrearages amounting to P2.348 billion and P0.388 billion, respectively, or a total of P2.736 billion deducted/clipped from the life and retirement benefits of members in 2008 per verification could not be relied upon.
Napatunayan ng COA na sa ilang kasong kanilang pinag-aralan, nagsagawa ng double deductions ang GSIS—yung nabayaran na through salary deduction, kinaltas pang muli through automatic deduction from benefits:
“The audit procedures we performed to determine the validity of deductions, using COA employees and retirees as samples showed that remittances were actually made by COA pertaining to these deductions. Thus, there was double collection of loans and premiums receivable thereby understating the receivable accounts and the retirees/members’ benefits equivalent to the amount of the deductions, for which actual remittances were made by COA.”
Hindi lamang “double collection of loans and premiums,” ang ginagawa ng GSIS, ayon sa COA.
“The unposted payments were treated by the system as arrearages resulting in the computation of undue interest thereon.”
Dahil sa kawalan ng posting, nagkakaroon ng “fictitious arrears” ang mga miyembro.Tapos pinapatawan pa ng GSIS ang mga ito ng interes. Ginagamit ng COA ang salitang “underpayment” para tukuyin ang ibinabayad sa mga miembro matapos kaltasan ng nabanggit. Sa halip na “underpayment,” pahintulutan niyong tawagin ko itong “pagnanakaw.” Hindi pa yan ang tawag natin sa pagkuha ng sa pera na pag-aari ng iba?Kung gayon, ninanakawan ng GSIS ang mga miembro nito, not once but twice—sa pamamagitan ng deduction ng fictitious arrears at ng undue interest.
Ayon sa audit ng COA, umabot sa Php 276.179 milyon ang halaga ng underpayment sa life insurance at retirement benefits ng members sa saklaw ng panahong kanilang sinuri:
“Life insurance and retirement benefits of members were underpaid by P253.353 million and P22.826 million, respectively, or a total of P276.179 million due to unposted remittances brought about by deficiencies of the computerized system, thereby understating premiums receivable for the deductions made which were actually covered by remittances from the agencies.”
Narito ang pagnanakaw sa life insurance claims mula January 5 hanggang September 30, 2008:
Area/Period Covered | Unposted Premiums | Undue Interest | Total |
CY 2008 | |||
Home Office | P 717,003 | P 66,942 | P 783,945 |
Regional and Branch Office | 5,943,197 | 4,512,843 | 10,456,040 |
Sub-total | P 6,660,200 | P 4,579,785 | P 11,239,985 |
Narito ang pagnanakaw noong 2007 and for prior years:
Area/Period Covered | Unposted Premiums | Undue Interest | Total |
CY 2007 and Prior Years | |||
Home Office | P 1,614,611 | P 1,506,007 | P 3,120,618 |
Regional and Branch Office | 108,305,371 | 130,687,197 | 238,992,568 |
Sub-total | 109,919,982 | 132,193,204 | 242,113,186 |
Total for life insurance | P 116,580,182 | P 136,772,989 | P 253,353,171 |
Pinag-aralan din ng COA ang kaso ng 2,522 retirees na naging biktima ng palpak na migration from the old computer system (PROD) to the new SAP-ILMAAAMS on September 30, 2007. Natuklasan nila na nabiktima ang mga ito ng underpayment na nagkakahalagang Php 22.826 milyon.
Retirement benefits
Office/Branch | No. of Samples | Underpayment to Members |
Butuan and Surigao | 44 | P 3,689,959 |
Tacloban | 1,072 | 3,425,540 |
Cotabato | - | 2,282,434 |
Tarlac | 19 | 2,073,269 |
Head Office | 73 | 1,505,517 |
Zamboanga | 50 | 1,470,408 |
Maasin | 299 | 1,289,214 |
Cagayan De Oro | 43 | 1,286,472 |
Cebu | 257 | 727,468 |
Bayombong | 10 | 720,367 |
Iligan | 27 | 664,160 |
Bohol | 262 | 618,557 |
Dumaguete | 231 | 516,549 |
Cabanatuan | 38 | 516,382 |
Cauayan | 10 | 418,435 |
Pampanga | 12 | 393,626 |
La Union | 9 | 379,393 |
Tuguegarao | 10 | 257,775 |
Bataan | 14 | 196,895 |
Dagupan | 7 | 189,514 |
Laoag | 31 | 113,884 |
Iloilo | 2 | 71,377 |
Legaspi/Naga | 2 | 18,996 |
Total | 2,522 | 22,826,191 |
Pansinin natin na:
Bayombong, 10 retirees were underpaid by an average of Php 72,000;
Cagayan de Oro, 43 retirees were underpaid by an average of Php 30,000;
Tarlac, 19 retirees were underpaid by an average of Php 109,000;
In Dagupan, 7 retirees were underpaid by an average of Php 27,000.
Hayaan ninyong bigyan ko ng mga pangalan ang ilan sa mga biktima ng “pagnanakaw” ng GSIS sa mga miyembro. Ang sumusunod ay mga gurong kasapi o di kaya’y lumapit sa Alliance of Concerned Teachers na nagbahagi ng sarili nilang karanasan:
Name | Face Value | Deductions | Net Proceeds | Check no. /Date issued |
Lodivina B. Cunanan (DepEd Pampanga) | 95,269 | Premium in arrears: 28,144.64 Policy loan: 38,755.69 SOS/Conso: 16,896.55 Cash advance: 1,691.16 Total: 85,488.04 | 9,780.96 | 104353/ 10-13-08 |
Consolacion L. Tipay (DepEd Tarlac) | 41,922.55 | Premium in arrears: 13,103.46 Policy loan: 10,910.21 Total: 24,013.67 | 17,908.88 | 80289/ 2-20-08 |
Mariluz Q. Pascasio (DepEd Tarlac) | 71,599 | Premium in arrears: 36,909.67 Policy loan: 34,689.33 Total: 71,599.00 | 0.00 | |
Rosita D. Dueñas (DepEd Tarlac) | 93,185.44 | Premium in arrears: 42,295.72 | 50,889.72 | 430869/ 7-25-07 |
Jovita D. Serrano (DepEd Tarlac) | 93,451.23 | Premium in arrears: 39,407.33 Policy loan: 47,084.74 Total: 86,492.08 | 6,959.15 | 80288 |
3. Labis na kabagalan sa pagproseso ng mga benepisyo
Kabilang sa mga hinaing ng mga guro at kawani ang napakabagal na pagproseso ng GSIS ng kanilang mga claims.
“Due to the recurrent flaws in the computerized systems that started in 2008 which eventually led to its crash on March 30, 2009, the processing of claims took 20 to 720 days resulting in the accumulation of 34,532 unprocessed claims, amounting to P3.860 billion per books as at December 31, 2008 and inefficient delivery of benefits to members.”
Claims/Benefits | No. of Claims | Amount |
Retirement | 10,323 | P 2,070,394,555 |
Life | 23,296 | 1,738,692,400 |
Funeral | 296 | 6,309,144 |
Survivor | 617 | 44,619,450 |
Total | 34,532 | P 3,860,015,549 |
“In the Head Office, the claims remained unprocessed/unpaid from 76 to 378 days as of February 18, 2009 while in the Branches, processing time ranged from 20 to 720 days as shown in the table below:
Branch/Office Lag Time in the Processing of Claims | |
Butuan and Surigao | 30 - 720 days |
Cabanatuan | 20 - 718 days |
Pampanga | 31 - 639 days |
Tarlac | 31 - 480 days |
Bayombong | 115 - 429 days |
Head Office | 76 - 378 days |
Davao, Tagum and General Santos | 173 - 362 days |
Tuguegarao | 67 - 246 days |
May kasabihan tayo, “aanhin pa ang damo, kung patay na ang kabayo.” Aanhin ang bilyong-bilyong assets ng GSIS, kung hindi mapakikinabangan ng miyembro ang mga benepisyong iginagawad ng batas sa kanya sa panahon na kailangan niya ito.
To recap, ang mga patakaran at programa mismo ng Reform Agenda, particular ang flawed computerization at ang CLIP, ay nagresulta sa pagkait sa mga miyembro, ng ganap na pagtamasa sa mga benepisyong ipinangako sa kanila ng batas.
Nagpatupad ang nakaraang administrasyon ng isang Reform Agenda na di maikakaliang nagpaganda sa bottom line ng GSIS. Ngunit hindi ito kailanman magiging katanggap-tanggap kung ito ay makakamit sa pamamagitan ng pagyurak sa mga karapatan ng GSIS members. Bilang tanging social security fund ng 1.6 milyon miyembro nito,
Ngayong, may bagong gubyerno, may bagong presidente. Narito ang ginintuang pagkakataon para iwasto ang mga pagkakamali ng nakaraan. Mr. Speaker, mga kasama, nais kong ipaalala sa inyo ang Section 8 ng GSIS Act of 1997:
"Sec. 8. Government Guarantee. — The government of the Republic of the Philippines hereby guarantees the fulfillment of the obligations of the GSIS to its members as and when they fall due.”
Malinaw na itinatakda ng batas na, magkulang man ang GSIS sa pagtupad ng kanyang batayang tungkulin bilang social security fund ngating 1.6 milyong kawani, titiyakin ng gubyerno ng Republika na patuloy pa ring matatamasa nang buo, walang labis, walang kulang, ang mga benepisyo ng bawat miyembro ng GSIS sa natatakdang panahon. Malinaw na naabot na natin ang kalagayang nangangailangan ng panghihimasok ng gubyerno upang mapangalagaan ang mga karapatan ng mga miyembro ng GSIS.
Kung gayon, nananawagan ako sa mga kasamahan natin sa Kongreso na gampanan ang ating tungkulin sa oversight at legislation upang:
- itigil ng GSIS ang mga di-makatarungang pagkaltas sa mga benepisyo ng miyembro;
- kagyat na i-refund ng GSIS sa mga di-makatarungang kaltas na may kasamang interes;
- panagutin ang mga opisyales sa pangunguna ni Winston Garcia sa kanilang pagyurak sa mga karapatan ng GSIS members;
- i-review ang GSIS Reform Agenda lalo na ang epekto nito sa karapatan at kagalingan ng mga miyembro;
- i-review ang R.A. 8291 at mga kaugnay na batas upang mapag-aralan kung paano mapapahusay at mapapatibay ang proteksyon ng mga miyembro;
- tiyakin ang tunay na representasyon ng rank-and-file employees sa Board of Trustees ng GSIS.
Maraming salamat, Mr. Speaker.
[i] Ang mga datos mula sa Commission on Audit ay mula sa kanilang “Annual Audit Report on the Government Service Insurance System for the Year Ended December 31, 2008.”
Privilege Speech
Rep. Antonio L. Tinio
ACT Teachers Party-List
Agosto 16, 2010Itigil ang Pagnanakaw ng GSIS sa kanyang mga Miyembro - Privilege Speech ni Rep. Antonio Tinio, ACT TEACHERS Partylist_8/16/2010
No comments:
Post a Comment